Dahil Pito ang Kulay ng Bahaghari

Ravy Animse

PILAT (Kamalayang Malaya)

Pilat…  Lahat naman ng pilat ay mayroon kuwento na maibabahagi…

Mga salaysay na magsisimula sa mga sugat…

Isang ilaw ng tahanan na nahiwa ng kutsilyo sa pagmamadaling maipaghanda ng baon ang kanyang bunsong anak…

Isang manggagawang napukpok ng martilyo sa isang pabrika, ang tanging layunin niya: ay buhayin ang kanyang pamilya…

Isang walong taong gulang na bata, na nag-aaral na mag bisikleta…

Nabundol ang sasakyan, dahil sinubukang magmaneho ng lasing…

Isang sugat na mula sa isang away sa kalsada, bunga ng hindi pagkakasunduan…

At sa ayaw man natin o sa gusto…

Ang mga sugat na ito ay mag iiwan ng pilat…

Pilat na magiging bahagi na ng ating balat…

Mga marka na magpapaalala sa atin ng sakit na naranasan natin noong tayo ay nagkasugat…

Ang ilan sa mga sugat na pinanggalingan ng mga pilat na ito ay bunga ng pagmamahal…  Ang ilan ay mula sa kawalang pabayaan…

Ang ilan ay nais nating muling alalahanin…  Ang ilan naman, ay nais na nating makalimutan…

Ngunit:

Kahit gaano pa naman kalaki, o kalalim ang mga sugat na ito…

Sa pagdaan ng panahon…

Sa tulong na rin ng mga ilang gamot…

Ang mga sugat na ito ay gumagaling…

Na kahit minsan tayong naging biktima ng ating pagmamahal, o nang ating kapabayaan:

Ang lahat nang sugat na meron tayo noon, ay naghilom na…

At kung sakali man na tayo ay makatatagpo ng isang tao na mayroong sugat na kaparehas ng ating napagdaanan,

Maaari natin silang matulungan, o alalayan…

Dahil alam natin ang pakiramdam, kung gaano kasakit magkaroon ng ganoong klaseng sugat…

At maari rin nating sabihin sa taong iyon… Na dadaan lang din ang sakit sa kaniya…

Na malalagpasan din niya iyon, katulad ng ginawa nating paglagpas sa parehas na sugat…

At ang tanging makapagpapatunay nito: ay ang pilat na meron ka…

“Sugat man ay maghilom sa pagdating ng panahon,

Ngunit ang karanasang nagdulot nito ay tulad ng isang pilat,

hinding hindi mawawala… Magpakailan pa man…”

-Ravy